Finals slot target ng Alas Pilipinas
MANILA, Philippines — Ang pang-limang sunod na panalo papasok sa final round ang puntirya ng Alas Pilipinas sa pagsagupa sa Kazakhstan sa crossover semifinals ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women.
Nakatakda ang duwelo ng Alas Pilipinas at Kazakhstan ngayong alas-7 ng gabi matapos ang banggaan ng nagdedepensang Vietnam at Australia sa alas-4 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Kinumpleto ng mga Pinay spikers at Vietnamese hitters ang four-game sweep sa Pool A at Pool B, ayon sa pagkakasunod, patungo sa semis.
Nagtala naman ang mga Kazakhs at Aussies ng magkaparehong 3-1 marka.
“Kami naman talaga iyong goal namin is to get it one game at a time. Wala kaming iniiwasan, wala kaming hinahanap na kalaban. Kahit sinong makakalaban namin magiging challenge for us,” ani veteran setter Jia De Guzman.
Pinadapa ng Alas Pilipinas ang Australia, India, Iran at Chinese Taipei sa Pool A patungo sa semis, habang natalo lamang ang Kazakhstan sa Vietnam sa Pool B.
Nakataya sa torneo ang tiket para sa 2024 FIVB Volleyball Women’s Challenger Cup na nakatakda sa Hulyo 4-7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Muling makakatulong ng 29-anyos na si De Guzman sina Eya Laure, Sisi Rondina, Angel Canino, Thea Gagate, Vanie Gandler at Faith Nisperos.
Matapos ang crossover semis ay diretso ang finals bukas.
- Latest