Malabuyo naka-gold sa Asian Championships
MANILA, Philippines — Tila handang-handa na si Filipino-American gymnast Emma Malabuyo para sa Paris Olympics.
Nasungkit ni Malabuyo ang gintong medalya sa floor exercise sa Women’s Artistic Gymnastics Asian Championships na ginanap sa Tashkent, Uzbekistan.
Isang solidong performance ang inilatag ni Malabuyo para makalikom ng 13.300 puntos upang makuha ang unang puwesto sa naturang dibisyon.
Inilampaso ni Malabuyo si Chen Xinyi ng China na naglista ng 13.133 puntos para magkasya sa pilak.
Nakuha naman ni Aida Bauyrzhanova ng Kazakhstan ang tanso bunsod ng nairehistro nitong 13.066 puntos.
Ito ang ikalawang medalya ni Malabuyo sa Asian meet.
Nauna na itong nakasungkit ng tanso sa individual all-around na siyang naging daan para makasikwat ng tiket sa Paris Olympics.
Sa kabuuan, may tatlong medalya ang Pilipinas — isang ginto at isang tanso mula kay Malabuyo, at isang tanso galing kay Paris Games-bound Levi Ruivivar.
Pumangatlo si Ruivivar sa uneven bars kung saan nagsumite ito ng 13.100 points mula sa 5.600 difficulty at 7.500 execution.
Nanguna sa naturang event si Yang Fanyuwei ng China na may 14.566 points habang pumangalawa si Jon Jang Mi ng North Korea na may 13.366 points.
Sunod na paghahandaan nina Malabuyo at Ruivivar ang pagsabak nito sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa Paris.
Makakasama nina Malabuyo at Ruivivar sina world champion Carlos Edriel Yulo at Filipino-American Aleah Finnegan.
- Latest