La Salle sumalo sa liderato
MANILA, Philippines — Sumiksik sa three-way tie sa liderato ang defending champions De La Salle University matapos silang akayin ni Shevana Laput sa 17-25, 25-19, 25-11, 25-22 panalo laban sa Adamson University sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament na nilaro sa SMART Araneta Coliseum kahapon.
Pinalo ni Laput ang 24 points para tulungan ang Lady Spikers na ilista ang ang 10-2 card, kapareho ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at last year’s runner-up National University Lady Bulldogs.
Sumadsad ang Taft-based squad, DLSU sa unang set, pero mas lalo silang naging mabalasik kaya naman winalis na nila ang huling tatlong sets na natira.
Sa kabila ng panalo, hindi kuntento si La Salle deputy coach Noel Orcullo sa ipinakitang tikas ng kanyang mga bataan.
“Actually nung first set talagang sobrang tentative yung galaw nila naghihintayan walang gustong maglead. Yun yung naging resulta. Pag walang naglilead nagiging pangit yung galaw,” ani Orcullo. “Buti na lang nanalo, nakuha yung second set at nagtuluy-tuloy. A win is a win pa rin talaga kahit masama yung laro.
Sa katunayan bawas na bawas ang puwersa ng DLSU dahil wala na nga ang kanilang pambatong si reigning MVP Angel Canino at maging si Jyne Soreño ay hindi na nakalaro pagkatapos masaktan sa dulo ng first set.
- Latest