Heavy Bombers winasak ang Chiefs
MANILA, Philippines — Ikinasa ng Jose Rizal University ang kanilang ikalawang sunod na ratsada matapos gibain ang Arellano University, 88-72, sa pagtiklop ng first round ng NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Pinaganda ng Heavy Bombers ang kanilang marka sa 6-3 para sosyohan ang bumubulusok na Lyceum Pirates sa ikatlong posisyon sa team stan-dings.
Ito naman ang ikaapat na dikit na kamalasan ng Chiefs para sa 1-8 baraha.
Kumolekta si Marwin Dionisio ng 21 points, 4 rebounds, 3 assists at 2 steals para banderahan ang Jose Rizal na maagang kinontrol ang laro patungo sa pagtatayo ng 67-53 abante sa third period
Kanila pa itong pinalobo sa 78-57 mula sa dalawang free throws ni Ry Dela Rosa sa 6:17 minuto ng fourth quarter.
Hindi na nakabangon ang Arellano mula rito.
Sa unang laro, itinala ng Mapua University ang pang-limang sunod na panalo matapos ungusan ang University of Perpe-tual Help System DALTA, 62-61.
Pinatibay ng Cardinals ang kapit sa solong liderato bitbit ang 8-1 kartada.
Umiskor sina John Abis at Christian Pagaran ng tig-15 points para sa Altas na may 3-6 marka.
- Latest