Ayo hangad ang korona para sa Letran Knights
MANILA, Philippines – Kahit sinong coach ay nangangarap na makasikwat ng korona sa NCAA.
Isa na rito si Letran College rookie mentor Aldin Ayo.
“Of course, I will lie to you if I say we’re not thinking of winning the NCAA championship,” sabi ni Ayo matapos sibakin ng Knights ang Perpetual Help Altas, 93-64, at angkinin ang ikalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four ng 91st NCAA men’s basketball tournament noong nakaraang Biyernes.
Walang naniwala sa Knights na makakapasok sila sa Final Four ngayong season matapos mapatalsik noong nakaraang taon.
Ito ay dahil sa maliit nilang line-up na nagresulta sa pagtatapos nila sa ikaanim na puwesto noong nakaraang season.
Matapos patalsikin ang Perpetual ay lalabanan naman ng Letran ang five-peat champions na San Beda sa Martes para sa kanilang agawan sa No. 1 seat sa Final Four.
Sa Final Four ay hahawak ang No. 1 at No. 2 teams ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa No. 4 at No. 3, ayon sa pagkakasunod.
Bago talunin ang Altas ay yumukod muna ang Knights sa Red Lions, 73-77, noong Martes sa kanilang ikalawang pagkikita sa eliminasyon.
Nauna nang binigo ng Letran ang San Beda sa una nilang pagtutuos sa first round, 93-80.
“We will fight them, kahit tumbang preso o patintero pa ‘yan,” sabi ni Ayo sa pagsagupa ng Knights sa Red Lions.
- Latest