Sa Rizal Memorial Football Stadium gagawin ang laban ng Azkals vs Thais
MANILA, Philippines – Sa makasaysayang Rizal Memorial Football Stadium gagawin ang home game ng Philippine Azkals kontra sa three-time champion Thailand sa 2014 AFF Suzuki Cup semifinals sa Dis-yembre 6.
Ito ang ikatlong sunod na pagkakataon na nasa semifinals ang Azkals at balak nilang marating ang championship round sa unang pagkakataon.
Nananalig ang pamunuan ng football sa bansa na dudumugin ng mga panatiko ng koponan ang laro para tumaas ang morale ng Azkals at makapagtala ng magandang panalo na magiging puhunan papasok sa home game ng Thailand sa Disyembre 10.
Nagkrus na ang landas ng dalawang koponan noong Nobyembre10 sa isang international friendly match at inilampaso ng Thais ang Azkals sa 3-0 iskor.
Galing din ang Azkals sa 1-3 pagkatalo sa Vietnam sa pagtatapos ng group elimination ng Suzuki Cup para isuko ang pangunguna sa host team sa Group A.
“The Thais play in a similar way to Vietnam. It will not be an easy game,” wika ni German/American Azkals coach Thomas Dooley sa AFF website.
Ngunit naniniwala rin si Dooley na babalik ang sigla ng koponan dahil sa isang linggong pahinga at sa makukuhang suporta sa mga tagahanga.
“I’m sure they will play better after a week’s rest,” dagdag ni Dooley. “We still want to win the championship. The next game is a must-win and I believe in my players that they can do it.”
Sa kabilang banda, ang Thai coach na si Kiatisuk Senamuang ay kumpiyansa rin sa kakayahan ng mga manla-laro niya matapos ang naunang panalo.
“We know the Philippines, they have very good skills and technique. But we know how to play them,” ani Senamuang.
Ang mananalo sa Pilipinas at Thailand ang makakaharap ng winning team sa pagitan ng Vietnam at Malaysia na siyang magkikita sa isang semis matchup. (AT)
- Latest