Zombie Family (362)
HINDI siya natatakot pero hindi maintindihan ni Nikolai kung bakit siya ay kinikilabutan.
Ang malademonyong tawa ay hindi nanggagaling sa malayo.
Para ngang nasa tabi lamang niya. Hindi pala … nasa likuran. Hindi … hindi pala … nasa kanyang harapan.
Pero nasa harapan nga ba?
O likuran?
Sa kanyang tabi, sa kanan?
Sa kanyang tabi, sa kaliwa?
Para namang hindi sa mga ito nagmula ang tawang iyon.
Parang … parang nasa kanyang loob mismo.
Hindi siya makasigaw dahil ang bigat-bigat ng mahaba niyang dila. Hindi pa rin kayang bumigkas kahit isang letra man lang.
Pero ang isipan ni Nikolai ay ganito ang isinisigaw: Pumasok sa akin ang demonyo! Nagtatawa siya sa loob ng katawan ko!”
At napasigaw din siya sa isip dahil sa pandidiri at kilabot.
AAAAAAAAHHHHHH!
Lumabas ka, demonyo! Lumabas kaaaaa!
Narinig na naman niya ang mahabang pagtawa mismo. Nanggagaling nga talaga sa kanyang kaloob-looban.
Sa kanyang utak.
Sa kanyang dibdib.
Sa kanyang kalahat-lahatan. Kahit sa lahat na mga daliri niya, nararamdaman niya ang pagtawa.
Nanlulumo si Nikolai.
Demonyo na rin ba ako? Nasakop na ang pagkatao ko?
Bigla siyang napatingin sa mga bata na nagkakagulo na. Dahil nakita na pala ng mga ito ang isang malaking basket ng mga kaymitong perpekto ang pagkahinog at malalaki.
Nagkainan na ang mga ito. Hindi nag-agawan, nagbigayan.
Bigla na lang napangiti si Nikolai. Ang buong damdamin ay napuno ng tuwa at pagmamahal.
Ang sarap sa pakiramdam na may mga batang nabubusog dahil sa efforts niya.
Natigilan si Nikolai. Napangiti siya. Isang mapayapang ngiti na alam niyang bigay ng langit. Itutuloy
- Latest