Kapayapaan ba ang hanap mo?
Ito ay huling bahagi ng paksa kung paano magkakaroon ng tahimik na pamumuhay sa kabila ng gulong umiiral sa kapaligiran:
Magpakumbaba – Kapag mayabang ang isang tao tiyak na maraming nagagalit sa kanya, kakaunti ang kaibigan na sa kanya ay magtatanggol. Minsan pa nga sa sobrang yabang ng tao ay nagagalit pa siya sa kanyang kapwa kapag tila hindi siya nito natrato ng espesyal. Dapat tandaan na hindi pareho ang tingin mo sa iyong sarili at tingin ng ibang tao sa ‘yo. Hindi mo dapat ikagalit kung ang trato ng kapwa mo sa ‘yo ay ordinaryo dahil maaaring ang tingin niya sa iyo ay isang ordinaryong tao lang. Kung hindi ka magpapakumbaba at nakikipagpataasan ka lagi ng ihi hindi ka magkakaroon ng tahimik na buhay. Dahil palagi mo na lang ipapakita at papatunayan na angat ka sa iba. Tiyak mapapagod ka lang at mawawalan ng katahimikan.
Huwag maghangad ng hindi sayo – Tigilan mo ang pagnanasa na maangkin ang pag-aari ng iba o kainggitan ang mga bagay na mayroon ang iba. Ito kasi ang magiging susi ng magulong pamumuhay. Kapag lagi mong pinagnanasaan ang mga bagay na pag-aari ng iyong kapwa, manganganak ito ng inggit. Kapag nainggit ka na wala ka ng ibang gagawin kundi mag-isip ng paraan kung paano mo makukuha ang bagay na ninanasa mong makuha sa iyong kapwa. Kaya kung ganito ang buhay mo paano ka magkakaroon ng kapayapaan?
Mabuhay ng simple – Hindi ka kailanman magkakaroon ng kapayapaan kung mabubuhay ka ng higit sa iyong kakayanan. Hindi naman masamang magkaroon ng magagandang bagay at kumain ng masasarap na pagkain, ngunit dapat mong tiyakin na kakayanin mo ba ang mga ito. Halimbawa, bakit ka bibili ng iphone na kahit naman pang load ay wala ka naman? May mga tao pa nga na mangungutang pa makasunod lang sa takbo ng teknolohiya. Masabi lang na updated sila sa mga usong gadgets. Pero pagdating ng bayaran, iikot naman ang iyong kaluluwa sa paghahanap ng mauutangan para ipambayad din sa kanilang utang. Wala kang makukuhang kapayapaan sa ganitong uri ng pamumuhay. Hindi dapat lumalampas sa iyong kakayanan ang pamamaraan mo ng pamumuhay.
Magkaroon ng Dios sa buhay mo – Higit sa lahat wala ng iba pang paraan para mabuhay ng tahimik kundi ipagkatiwala ang lahat ng mayroon ka sa Diyos.
- Latest
















