Trader inaresto sa pagpalit ng kotse na ibinenta
MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na second hand car seller ang inaresto nang mabisto ang modus nito na pagpalit ng ibang sasakyan sa nagbayad ng buyer at humingi pa ng karagdagang bayad sa isang shopping mall sa Greenhills, San Juan City, noong Lunes.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), idinulog ng 43-anyos na buyer ang panloloko ng suspek matapos ideliber sa kanya ang binayarang MPV na iba sa napagkasunduan.
Sa entrapment operation sa loob ng shopping center, narekober mula sa suspek ang pekeng identification card, mga pekeng dokumento at natukoy na may encumbrance o may hadlang pa para ibenta.
Lumabas sa imbestigasyon na nakapagbayad na ng P220,000 bilang paunang bayad ang biktima sa binibiling P400,000, kung saan ang balanse ay babayaran kapag naideliber.
Subalit, ibang MPV ang dinala sa biktima at sinabing naibenta na ang orihinal na kotse, at humingi pa ng karagdagang P170,000.
Kinumpiska ng San Juan City Police ang sasakyan, dalawang susi ng ignition, ang official receipt at certificate of registration nito, at limang markadong tig-P1,000 na perang ginamit sa entrapment.
Nakakulong ang suspek sa San Juan City Police Station, habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Estafa.
- Latest




















