PDEA: Politiko sa Mindanao, utak sa Laos drug bust
MANILA, Philippines — Natukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang ‘di pinangalanang politiko mula sa Mindanao na umano’y nagpondo sa eroplanong ginamit para sa pagdadala ng 521 kilo na umano ay shabu na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon na nasabat sa Laos at nakatakda sanang ipuslit sa Pilipinas.
Sinabi ni PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut na hindi pa nila maibubunyag ang pangalan ng financier na isang halal na opisyal na nakabase sa Mindanao dahil patuloy pa ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya.
Ayon kay Calulut, nagkakahalaga ng $49,500 o katumbas ng humigit-kumulang P3.1 milyon ang chartered private jet na umano’y nakatakdang gamitin sa operasyon.
Una nang kinilala ng PDEA ang dalawang Pilipinong sangkot umano sa kaso na gumagamit ng mga alyas na “Fahad” at “Boyet”.
Naaresto na si Fahad sa Laos, habang huling namataan si Boyet sa Hong Kong.
Natukoy na rin nila ang mga posibleng kasamahan ng dalawa, ngunit hindi pa tinukoy ang kabuuang bilang ng mga iniimbestigahan.
Inihahanda ng PDEA ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa ilegal na pagbebenta, pagdadala, paghahatid, pamamahagi o pagtutulak ng ilegal na droga.
Kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon na itong 10 persons of interest sa hinihinalang smuggling operation, ngunit hindi pa natitiyak kung kabilang dito sina Fahad at Boyet.
- Latest



















