TF Disiplina, binuwag na ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Binuwag na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Task Force Disiplina at wala na itong otorisadong operasyon o pagroronda simula kahapon.
Inatasan ni Belmonte ang lahat ng miyembro nito na agad bumalik at mag-report sa Department of Public Order and Safety (DPOS), ang kanilang mother unit, pero kailangang dumaan sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test, at magsumite ng NBI at police clearance.
Una nang nililinaw ng lokal na pamahalaan na wala itong iniisyung baril sa sinumang miyembro ng Task Force Disiplina,mga tauhan at force multiplier ng lungsod, tanging mga pulis lamang ang otorisadong magdala ng armas kasunod nang pagbaril at pagpatay sa tatlong kabataan.
Inatasan din ni Belmonte ang Quezon City Police District, sa pamumuno ni P/General Christopher Olazo, na agad paigtingin ang kampanya laban sa mga illegal firearms sa lungsod.
Hinihikayat din nito ang publiko na agad tumawag sa Helpline 122 kung may nakaunipormeng Task Force Disiplina na patuloy na nagroronda sa kanilang barangay at ipagbigay alam ang anumang impormasyon tungkol sa mga sibilyang nagdadala o nagtatago ng pinaghihinalaang illegal firearms.
Anya,walang buhay na dapat mawala dahil sa iresponsableng paggamit ng armas.Kaligtasan ng mamamayan ang pangunahing tungkulin ng lokal na pamahalaan, at walang puwang sa serbisyo publiko ang sinumang hindi makakasunod.
- Latest




















