Raga sinargo titulo sa Japan Open
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas si Pinoy cue artist Anthony “Anton” Raga matapos nitong pagpagin ang kababayang si Antonio “Nikoy” Lining, 8-3, sa finals ng 39th Japan Open na ginanap sa New Pier Hall, lungsod ng Minato, Tokyo, Japan kamakalawa ng gabi.
Tumataginting na 1,400,000 Yen ang naiuwi ng 28-anyos na si Raga sa pagkakapanalo sa 10-Ball habang 700,000 Yen ang kinubra ni 2001 Kuala Lumpur - Southeast Asian Games gold medalist, Li-ning.
“Inaalay ko ang aking tagumpay sa aking pamil-ya, sa aking mga kaibigan, sa aking mga taga-suporta, sa aking bayan, at sa Diyos,” pahayag ni Raga, na nagmula sa Cebu.
Ang kahanga-hangang paglalakbay ni Raga patungo sa titulo ay kinabibilangan ng pagkapanalo kay Masahiro Shimano ng Japan, 8–1, kapwa Pilipino na si Saldy Galliguez, 8–3, at Miguel Salvilla, 8–6.
Magandang paghahanda ang tournament na sinalihan ni Raga para sa gaganaping 2026 Philippines Open Pool Championship sa Oktubre 20-24 sa Gateway Mall Araneta Center, Cubao, Lungsod ng Quezon.
Sa panig ng kababaihan, natalo si Denise “Denden” Santos kay Chen Siming ng Tsina sa iskor na 6–7 sa finals na laban ng 9-Ball.
Dahil sa pagkapanalo, tinanggap ni Siming ang pangunahing premyong 500,000 Yen habang si Santos naman ay nakatanggap ng 250,000 Yen bilang ikalawang puwesto.
Samantala, si Dr. Oliver O. Evangelista, punong opisyal ng pangangasiwa sa propesyonal na isports ng GAB, ay lumipad patungong Japan upang suportahan ang mga manlalarong Pilipino.
- Latest






















