Javi pumirma sa Hotshots ng 3 taon
MANILA, Philippines — Kasado na sa susunod na 3 taon ang pagbabalik ni Javi Gomez De Liaño sa PBA para sa bagong koponan na Magnolia Hotshots.
Kakalipat lang ni De Liaño sa Hotshots at sinuklian agad ito ng koponan sa pagbibigay ng 3 taong kontrata.
Pinangunahan ni Magnolia team manager Alvin Patrimonio at agent ni De Liaño na si Marvin Espiritu ng Espiritu Manotoc Basketball Management (EMBM) ang contract signing sa kasagsagan din ng training camp ng Hotshots.
Kagagaling lang ni De Liaño sa isang season na kampanya sa Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa Korean Basketball League (KBL) bago bumalik sa PBA.
Hindi nagkasundo si De Liaño at ang dating koponan na Terrafirma na nakapasok sa playoffs ng 2024 Philippine Cup sa tulong niya, sa contract extension noong nakaraang season kaya sumibat pa-Korea.
Na-trade siya kapalit ni Jerrick Ahanmisi pa-Magnolia bilang magandang pamalit kay Will Navarro na iniwan ang Hotshots upang maglaro para sa Busan KCC Egis sa Korea rin.
Napili siya ng Ginebra noong 2022 PBA Rookie Draft bilang No. 8 pick subalit na-trade din agad sa Terrafirma sa mismong draft day kasama si Brian Enriquez para sa No. 2 pick na si Jeremiah Gray.
- Latest


















