104th PSL National Series: Soguilon, Mojdeh nanguna sa mga record-breakers
MANILA, Philippines – Binanderahan nina veteran international campaigners Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque at Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen School ang mga record-breakers sa opening day ng 104th Philippine Swimming League (PSL) National Series sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate, Manila.
Pinagreynahan ni Mojdeh ang girls’ 10-year 50m butterfly kung saan winasak nito ang record sa bisa ng 32.98 segundo kasunod ang pamamayagpag sa 100m butterfly nang magtala ng bagong marka na 1:13.47.
Umariba rin si Soguilon ng umukit ito ng rekord sa girls’ 12-year 200m backstroke hawak ang 2:44.53 gayundin sa 100m freestyle sa pamamagitan ng 1:05.62 tiyempo.
Muling gumawa ng ingay si Philippine junior record holder Jerard Dominic Jacinto ng University of the East nang burahin nito ang rekord sa boys’ 15-over 200m backstroke sa bilis na 2:16.00.
Nakakuha rin ng dalawang rekord si Aishel Cid Evangelista sa girls’ 100m backstroke (1:39.50) at 100m freestyle (1:26.65) gayundin sina Richelle Anne Raine Callera sa girls’ 6-year 50m butterfly (44.25) at 100m backstroke (1:50.25).
Hataw naman si Tokyo Invitational Swimming Championship veteran Marc Bryan Dula sa boys’ 9-year 100m backstroke tangan ang bagong marka na 1:24.35.
Ang iba pang record-breakers ay sina Ronnel Andrew Alcantara sa boys’ 13-year 200m backstroke (2:31.41), Hannah Drelyn Sanchez sa girls’ 12-year 100m butterfly (1:11.60) at Marcus De Kam sa boys’ 11-year 200m backstroke (2:52.00).
Ang torneo ay magsisilbing qualifying tournament para sa mga nagnanais maging bahagi ng PSL delegation na sasabak sa mga international tournaments sa Australia, Japan, Hong Kong Thailand, Singapore at United Arab Emirates.
- Latest