Kaibigan (148)
“ANG dami na palang nangyari sa iyo, Lara. Salamat naman at sinuwerte ka. Nag-alala ako nang hindi kita matagpuan sa Nagcarlan. Baka kung ano na ang nangyari sa’yo,’’ sabi ni Dex.
“Nagpapasalamat nga ako sa Diyos, Dex dahil kahit na tinakwil na ako ng mga kapatid ko at pati kaanak, mayroon pa palang nagmamahal sa akin —Siya. Ginabayan ako sa mga gagawin. Humingi ako ng guidance at hindi Niya ako binigo. Maayos ang trabaho ko sa Riyadh.’’
“Ano nga palang trabaho mo sa Riyadh?’’ tanong ni Dex.
“Nursing aide sa isang military hospital.’’
“A sinabi mo nga pala.’’
“Maayos naman ang suweldo at libre ang pagkain at tirahan.’’
“Salamat at mabuti ang naging kapalaran mo. Matatahimik na ako. Kasi’y hindi ko malimutan ang huling habilin ni King. Nakasulat pa. Yun ang dahilan kaya hinanap kita.’’
“Salamat sa pagmamalasakit mo, Dex. Tunay kang kaibigan.’’
“Siyanga pala, Lara. Ikaw ba ang nagdadala ng bulaklak at kandila sa puntod ni King.’’
“Oo,’’ sabi ni Lara na napapatawa.
“E di ikaw yung naabutan ko nun na mabilis na umalis?’’
“Bakit ka nagmamadali?’’
“Nahihiya nga ako sa’yo. Basta hindi ako handa na makausap ka.’’
“Ikaw talaga. Bakit ka mahihiya e matagal na naman tayong magkakilala.’’
“Basta.’’ (Itutuloy)
- Latest