NU, Letran laglagan

MANILA, Philippines — Mag-aagawan sa solo liderato ang five-peat seeking National University at Letran sa pagharap nila sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup Biyernes na lalaruin sa Rizal Memorial Coliseum.
Parehong wala pang talo ang Lady Bulldogs at Lady Knights sa Pool A kaya asahang matindi ang magiging bakbakan na masisilayan ng mga volleyball fans pagsimula ng laro nila sa alas-3 ng hapon.
Aminado si Lady Bulldogs head coach Norman Miguel na mapapalaban sila ng todo kontra NCAA champion Lady Knights at ayon pa sa kanya isa sa magiging sagabal sa asam nilang korona ang nasabing karibal.
Ayaw magkumpiyansa ni Miguel kahit may bentahe ang kanyang koponan sa lalim ng line-up at lakas ng kanyang mga bataan sa event na itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
“Letran, being the NCAA champion, has gained so much experience and we know magagamit nila sa game ‘yun. Kaya walang reason para maging complacent kami sa game,” ani Miguel.
Impresibo ang inilalaro ng Lady Bulldogs, noong Setyemre 26 lang ay winalis nila ang San Beda University, 25-14, 25-19, 25-18.
Ipaparada ng NU si Arah Panique na siyang umiskor ng siyam na puntos sa huli nilang laro, makakatuwang niya sina veterans Vange Alinsug, Alexa Mata, Chams Maaya, Celine Marsh, Harlyn Serneche at Sam Cantada.
Galing din sa panalo ang Lady Knights, tinalo nila ang Arellano University, 25-19, 18-25, 25-18, 25-18, sa opening day noong Setyembre 27.
Ibabangga naman ni Letran coach Aleksi Lahteenmaki sina Judiel Nitura, Carlyn Tizon, Sheena Sarie at Kaizah Huyno para iharap sa mga pambato ng NU.
Samantala, magtatapat ang Far Eastern University at San Sebastian College-Recoletos sa ala-1 ng hapon sa ligang suportado ng Smart, PusoP.com DICT, Executive Optical, Milo at Summit Natural Drinking Water kasama ang Philippine Sports Commission, the Commission on Higher Education, Mikasa, Asics, Rigour Technology, Jersey Haven, Solar Sports at 12 Beyond Production bilang technical partners.
- Latest

















