Cone ire-review ang Gilas program
MANILA, Philippines — Rerebisahin ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang programa nito matapos mabigong madepensahan ang korona sa 2026 Asian Games na ginanap sa Nagoya, Japan.
Hindi pinalad ang Pinoy cagers na makapasok sa quarterfinals kung saan nagtapos ito sa ikasiyam na puwesto — ang pinakamasaklap na pagtatapos ng Pilipinas sa naturang quadrennial meet.
Nahulog sa 1-2 rekord ang Gilas Pilipinas sa group stage matapos matalo sa Bahrain at China.
Tanging panalo lamang nito ay kontra sa Kazakhstan. Dahil dito, kaliwa’t kanan ang batikos na natanggap ng Gilas Pilipinas sa social media kasama pa ang ilang mga basketball personalities.
Kaya naman muling pag-aaralan ni Cone kung ano ang mga nangyari.
Kabilang na rito ang availability ng mga players.
“There will be a full review,” ani Cone.
Matatandaang dalawang teams ang binuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers fourth window at para sa Asian Games.
Magkaibang teams ito dahil hindi makakapaglaro ang mayorya ng mga players na naglaro sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Asian Games.
Dahil dito, humugot ang SBP ng mga players mula sa PBA na siyang naatasang depensahan ang korona ng Gilas Pilipinas sa Asian Games.
Hindi nakapaglaro sa Asian Games sina Kai Sotto kasama sina Dwight Ramos, AJ Edu, Carl Tamayo at Kevin Quiambao dahil sa kanilang commitments sa kani-kanyang teams sa Japan at South Korea.
Wala rin si naturalized player Justin Brownlee na nagpapagaling ng injury sa Amerika.
Hindi naman umabot ang naturalization papers ni Bennie Boatwright habang nasa Europe naman si Ange Kouame na isa ring naturalized player.
- Latest


















