Akari krusyal ang laro sa Zus

MANILA, Philippines — Kailangan ng Akari na maipanalo ang huli nilang laro sa elimination round para makasilip ng tsansa sa semifinals ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Lalabanan ng Chargers ang sibak nang ZUS Coffee Thunderbelles ngayong ala-1 ng hapon, habang magtutuos ang semifinalist Nxled Chameleons at Creamline Cool Smashers sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang Nxled (6-0) at Farm Fresh (5-2) ang kumuha ng dalawang semis berth na hangad din ng Creamline (4-2), PLDT (4-3), Choco Mucho (4-3), Akari (3-4).
Talsik na ang Capital1 Solar Energy (2-5), ZUS Coffee (1-5) at Galeries Tower (1-6).
Nagmula ang Chargers sa 25-27, 22-25, 24-26 kabiguan sa Chameleons, habang itinala ng Thunderbelles ang unang panalo sa 17-25, 21-25, 25-20, 25-20, 15-12 pag-eskapo sa Highrisers.
Sakaling talunin ang ZUS Coffee ay kailangang ipagdasal ng Akari na hindi makapagtala ng limang panalo ang dalawa sa Creamline, Choco Mucho at PLDT.
Kung magkakaroon ng pagtatabla sa baraha ay gagaimtin ang FIVB tiebreak system para madetermina ang papasok sa semifinals.
Ang unang back-to-back wins naman ang pakay ng ZUS Coffee makaraan ang 0-5 kamalasan.
Muling aasa ang Chargers kina Ivy Lacsina, Eli Soyud, Fifi Sharma at Faith Nisperos.
- Latest

















