Nasa’n ang pananagutan ng lingkod-bayan?
Hindi maliit na usapin kapag isang halal na opisyal ng pamahalaan ang nasasangkot sa kasong may kinalaman sa ilegal na kalakalan ng petrolyo.
Sa halip na maging halimbawa ng pagsunod sa batas, isang konsehal pa ng bayan ng Subic, Zambales ang nahaharap ngayon sa kasong may kaugnayan sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo.
Martes ng umaga nang arestuhin ng San Narciso Municipal Police Station si Councilor Sherill Gutierrez dahil sa warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 16, 2026 ni Presiding Judge Denise A. Dacanay-Sagun ng Municipal Trial Court sa San Narciso.
Nahaharap si Gutierrez sa kasong paglabag sa Section 2(a) ng Presidential Decree No. 1865, kaugnay ng Section 3 ng Batas Pambansa Blg. 33, na tumutukoy sa ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo.
Pero higit sa mismong pag-aresto, may mas malaking tanong na dapat pagtuunan ng pansin: Bakit may mga halal na opisyal at lingkod-bayan na nasasangkot sa mga gawaing labag sa batas?
Ang posisyon sa pamahalaan ay hindi lisensiya para makaiwas sa pananagutan. Hindi ito dapat gamitin bilang proteksiyon, panangga o instrumento para sa pansariling interes.
Dapat sigurong tandan ng mga public servant na ang pagiging konsehal ay isang tungkuling ipinagkatiwala ng mamamayan, hindi pribilehiyong nagbibigay ng kapangyarihang mang-abuso.
Kung karaniwang mamamayan ay kailangang managot sa paglabag sa batas, lalong inaasahang magiging huwaran ang mga taong binigyan ng mandato na maglingkod sa publiko.
Ngunit malinaw ang isang bagay: walang sinumang dapat maging higit sa batas, anuman ang posisyon, impluwensiya o kapangyarihan.
Sa huli, hindi titulo ang sukatan ng isang tunay na lingkod-bayan, kundi integridad at pananagutan. Dahil ang tiwala ng mamamayan ay hindi dapat ginagamit para sa pansariling kapakinabangan.
- Latest
















