Karagatan natin, huwag aangkinin!
Magandang balita na umabot na sa 80% ang napagkasunduang bahagi ng panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea. Mula sa dating 50%, malaki ang inusad ng negosasyon. Pero huwag muna tayong masyadong matuwa. Hindi pa tapos ang laban!
Ang tanong: kapag napirmahan na ang kasunduan, titigil na ba ang panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino? Igagalang na ba ng China ang karapatan natin sa West Philippine Sea? O baka naman maganda lang sa papel pero nganga naman sa aktuwal?
Ayon kay Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales, malaki ang naging ambag ng Pilipinas sa pag-usad ng usapan habang hawak nito ang pamumuno sa ASEAN. Singapore naman ang magpapatuloy sa negosasyon sa 2027.
Maganda ang hakbang na ito. Pero tandaan natin: hindi medalya ang 80% na kasunduan. Hindi rin ito lisensiya para magyabang ang sinuman. Ang mahalaga ay kung may tunay na pakinabang ba ang ordinaryong Pilipino.
Dahil habang abala ang mga opisyal sa mga pulong at diplomatikong usapan, may mga mangingisdang nanginginig sa takot sa tuwing pumapalaot. May mga pamilyang hindi alam kung makakauwi pa nang ligtas ang kanilang padre de pamilya. May mga kababayang ang tanging kasalanan ay maghanapbuhay sa karagatang matagal na nilang pinangingisdaan.
Ito ang realidad na hindi dapat tabunan ng magagandang salita!
Hindi puwedeng puro ngiti, handshake at litrato ang ipakita natin sa publiko. Kung may nangha-harass sa ating mga mangingisda, dapat manindigan ang gobyerno. Kung may umaabuso sa ating karapatan, dapat lumaban sa tamang paraan. Hindi tayo dapat yumuko dahil lamang mas makapangyarihan ang kabilang panig.
Ang anumang kasunduan ay dapat nakatayo sa international law, lalo na sa UNCLOS. Walang dapat isuko, walang dapat ipamigay at lalong walang dapat ipagpalit para lang masabing nagkaroon tayo ng kasunduan.
Kaya sa natitirang 20% ng negosasyon, mata ng publiko ang dapat nakatutok. Huwag hayaang ang interes ng makapangyarihan ang manaig. Unahin ang karapatan at kapakanan ng Pilipino.
Sa huli, simple lang ang hinihingi ng taumbayan: makapangisda nang tahimik, makauwi nang ligtas at hindi takot na takot sa sarili nilang karagatan.
Hindi atin ang West Philippine Sea dahil pinayagan tayo ng ibang bansa. Karapatan natin ito! At walang sinumang dayuhan ang dapat maghari-harian sa sarili nating bakuran!
- Latest


















