Taas presyo, bagsak-buhay
Araw-araw, parang sinasampal ang mga walang trabaho. Gigising ka na ang unang problema ay kung saan kukuha ng pangkain, tapos paglabas mo ng bahay, halos lahat ng bilihin nagtaasan na naman. ‘Yung dating kasya ang isang daan, ngayon parang barya na lang. Ang masakit, hindi naman tamad ang karamihan. Marami ang gustong kumayod, pero kulang ang oportunidad. Ang ending, ang nasa laylayan ang laging unang tinatamaan.
Ibinida ng Philippine Statistics Authority na mahigit daw sa 4% ang walang trabaho noon Mayo?
Naku ha!
Ano ba ito?
Nakakagalit kasi ang dali sabihin ng iba na “magsipag ka lang.” Paano ka sisipag kung wala namang tumatanggap? Paano ka babangon kung bawat hakbang may bayad pamasahe, pagkain, kuryente, tubig lahat pataas, pero ang pag-asa parang pababa.
Hindi naman humihingi ng luho ang mga ordinaryong Pilipino. Trabaho lang na marangal at sapat na kita para may maihain sa mesa at may maipangtustos sa pamilya. Pero sa nangyayari ngayon, parang kasalanan pa ng mahirap na mahirap siya.
Darating ang araw na mapupuno ang tiyan ng pangako, pero hindi kailanman mabubusog ang pamilya sa puro salita. Panahon nang pakinggan ang sigaw ng mga nasa laylayan, dahil kapag ang taong wala nang mawawala ang tuluyang napagod, buong lipunan ang magbabayad sa katahimikang matagal nang binabalewala.
Disclaimer: Ang opinyong ito ay personal na pananaw lamang at hindi layuning manira o magbigay ng maling impormasyon. Nakasulat ito upang ipahayag ang saloobin tungkol sa nararanasang hirap ng maraming Pilipino sa kasalukuyang panahon.
- Latest















