Huwag sisihin ang kalamidad
Mayroon mang kalamidad o wala, talagang dumami ang naghihirap dahil sa ‘di mapigil na pagtaas sa presyo ng mga bilihin. Iyan ang totoong dahilan. Humihina ang buying power ng piso dahil sa hindi masugpong inflation.
Hindi dapat gawing dahilan ng NEDA ang mga nangyayaring bagyo at ibang kalamidad bagamat ang mga iyan ay nakadaragdag sa problema ng karalitaan. Kapag naminsala ang kalamidad, nasasalanta ang mga pananim at iba pang pangunahing produkto kaya tumataas ang presyo.
Kamakailan ay naglabas ng survey ang Social Weather Station na dumami umano ang mga taong nagsasabing sila ay mahirap. Umaabot umano sa 48 porsyento ng population ang nagsabing itinuturing ang sarili na mahirap. Totoo naman iyan porke kahit ang mga taong dating nakatatawid araw-araw ay nagkakandakuba na sa sobrang taas ng halaga ng mga paninda tulad ng gulay at isda na mas mahal pa sa karne ng baboy at baka.
Pero ang mataas na presyong ito ay naranasan na natin kahit noong wala pang mga mapaminsalang kalamidad. Hindi bagyo at iba pang kalamidad ang dahilan niyan kundi price manipulation ng mga tiwaling negosyante.
May mga human factor na naging dahilan ng mataas ng presyo gaya ng mga kartel na kumukontrol sa presyo ng bilihin. Naririyan din ang mga hoarders na nagtatago ng produktong kailangan ng tao para makapagdikta sila ng gusto nilang presyo. Bunga ng katiwalian, nagdurusa ang taumbayan.
Sa aspeto ng kalamidad, walang human intervention na magagawa ang gobyerno para pigilan iyan. Ngunit sa aspeto ng price manipulation na gawa ng tao, may magagawa ang pamahalaan kung gugustuhin nito. Pero kung may mga nakaluklok sa mataas na puwesto ang nakikinabang din sa manipulation ng presyo ng bilihin, paano ito masusugpo?
- Latest