Diborsiyo sa Pinas maluluto na
Ano ang magagawa nating mga tutol sa diborsiyo kapag natuloy ang pagiging batas nito? Wala maliban sa pagmamartsa sa daan o kaya’y pagmosyon sa Mataas na Hukuman upang ang batas ay maideklarang walang bisa.
Lumusot na sa committee level ng Senado ang bill sa diborsyo na layuning magpatupad ng legal termination ng mga mag-asawang hindi na magkasundo. Tutulan man natin ito, kung ang nakararaming tao ay pabor, exercise in futility lang ang gagawin nating pagtutol. Ibig sabihin, walang kahihinatnan ang ating pagsalansang.
Marami na rin kasi, kahit sa mga Katoliko ang pumapabor sa diborsiyo. Ito’y sa katwirang bakit magtitiis sa pagsasama ang mag-asawa kung hindi na talaga magkasundo?
Ang tanong lang ay paano matatanggap ito ng Roman Catholic Church na hindi kumikilala sa diborsiyo ng estado? Sa Katoliko Romano, mayroon ding annulment ng kasal ngunit dumaraan sa masalimuot at matagal na proseso na kakailanganin pa ng pag-apruba ng Papa sa Roma.
Nakararami sa bansa ang mga Katoliko. Kahit gustuhin nilang magdiborsiyo kung kasal sila sa simbahan ay magiging kasalanan kung mag-aasawa silang muli. Iyan ang nakikita kong dilemma, maliban na lamang kung lilipat sila ng relihiyon na tumatanggap sa diborsiyo.
Mahigpit akong tumututol sa diborsiyo dahil tagubilin ng Diyos sa mag-asawa na maging tapat sa bawat isa. Subalit maghintay muna tayo kung ano ang magiging kahihinatnan ng bill na ito.
- Latest