Saklolohan ang mga magsasaka
May plano na naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na taasan ang inilaang P15,000 ayuda sa rice traders na apektado ng price ceiling sa bigas na itinakda ng pamahalaan. Ang price cap na itinakda ng executive order na pirmado ni Presidente Bongbong Marcos ay P41 sa pinakamura bawat kilo at P45 sa pinakamataas at hindi puwedeng presyohan ang bigas nang higit dito.
Ang sino mang lalabag sa price cap ay pagmumultahin ng P1 milyon. Layunin ng hakbang ng Presidente na mapigilan ang mabilis na pagtaas sa halaga ng bigas. Parang subsidy na rin iyan dahil sa ipagkakaloob na tulong-pampananalapi sa rice traders. Bale inaabonohan ng pamahalaan ang posibleng mawala sa traders bunga ng price cap.
Binabawalan ang traders na mag-markup nang higit sa itinatakda ng executive order ni Presidente Marcos. Wala akong tutol diyan. Kaso, wala akong nababalitaang tulong ng gobyerno para naman sa mga magsasaka na ang puhunan ay hindi lamang pera kundi pawis at pagod. Sila ang bumabalikat sa cost of production na lubhang napakataas lalo na ang halaga ng fertilizer. Inaabot din ang mga magsasaka ng pagkasalanta ng kanilang mga pananim dahil sa sunud-sunod na bagyong nagaganap sa bansa.
Baka naman mayroong programa rin ang gobyerno sa kapakanan ng mga magsasaka. Kung mayroon man, hindi ito nababalitaan ng tumbayan gaya nang balitang puspusang ayuda sa traders. Lumalabas tuloy na ang bida ay rice traders lang at nababalewala ang mga tunay na nagsisikhay para may makain ang bawat Pilipino. Kamakailan lang, nagprotesta ang grupo ng mga magsasaka dahil sa price cap na itinadhana ng pamahalaan.
May katwiran naman silang umalma dahil sa kasalukuyang kalagayan nila ay halos hindi na sila kumikita. Kung may price ceiling, lalong babaratin ng mga mamimili ng bigas ang farmgate price ng kanilang ani. Kawawa naman sila. Naturingan nga tayong agricultural country pero nagkukulang ang pamahalaan sa pagtulong sa sektor ng pagsasaka.
Sa mga mauuunlad na bansa na agriculture countries katulad ng New Zealand at Australia, ang pinakamayaman ay ang mga magsasaka dahil binibigyan ng importansiya ng pamahalaan ang kanilang sektor. Sa ating bansa ay baliktad. Ang mga magsasaka ang pinakadahop sa mga mamamayan. Napipilitan tuloy silang tumigil sa nakamulatan nilang hanapbuhay kaya ibinebenta na ang sarili nilang lupain. Kaya huwag tayong magtataka kung maraming lupain na ang nagiging subdivision imbes na taniman ng kabuhayan ng mga Pilipino.
- Latest