Micro-managing President
Maganda ang intention ni President-in-waiting Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na magsilbi ring Agriculture Secretary kasabay ng pagiging Presidente. Pero baka may masamang epekto ito.
Hindi lang naman agrikultura ang problema ng Pilipinas kundi santambak pa na nakaaapekto sa paglago ng ating ekonomiya. Ang food security na kaugnay sa agriculture ay isa lamang aspeto.
Kung bibigyan ni Marcos, Jr. ng espesyal na pagtutok ang agrikultura, paano na ang foreign policies ng bansa na maituturing na kritikal ngayon dahil sa mga sigalot ng mga bansa na nagaganap sa buong daigdig?
Ikonsidera ang militarisasyon ng China na nauuwi sa pagsakop nito sa mga karagatang saklaw ng Pilipinas. Naririyan pa ang hindi maawat na pagsalakay ng Russia sa Ukraine na nagiging sanhi sa pagtaas sa presyo ng krudong langis at damay ang halaga ng lahat ng serbisyo at kalakal.
Opps, muntik ko nang makalimutan na naririyan pa nga pala ang COVID-19 na naghihintay lang na bumagsak ang resistensiya ng mga taong nabakunahan at sasalakay muli.
Ang Presidente ay hindi dapat maging micro-manager kundi overseer ng kabuuang kalagayan ng bansa. Kaya mayroon siyang mga ayudante at Gabinete ay upang sila ang gumawa ng direktang aksyon para lutasin sa detalyadong paraan ang iba’t ibang suliranin ng ating bansa.
Kagaya rin iyan ng isang CEO ng pahayagan tulad ng boss nating si Miguel Belmonte, hindi siya puwedeng maging Editor-in-Chief o hepe ng printing department dahil mapababayaan niya ang buong negosyo. Ganyan lang kasimple.
- Latest