^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kailan lalaya sa korapsiyon, kahirapan at krimen?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Kailan lalaya sa korapsiyon, kahirapan at krimen?

Ngayon ay ika-122 anibersaryo ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Kastila. Kasunod ng deklarasyon ay ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas habang inaawit ang “Lupang Hinirang” sa balkonahe ng mansiyon ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 1898.

Noon ay mga Kastila ang kalaban ng mga Pilipino. Pero ngayon, makalipas ang 122 taon, mas marami pang naging kalaban ang mamamayan na wala ring ipinagkaiba sa mababagsik na mananakop. Mas ma­tindi ang mga kalaban ngayon sapagkat nagdu­dulot sa pagkahilahod ng bansa.

Unang kalaban: Korapsiyon.

Maraming korap sa mga tanggapan ng pamahalaan ngayon. Walang patawad. Kahit na nasa gitna ng paglaban sa COVID-19 ang bansa, patuloy ang pangu­­ngurakot ng mga taong gobyerno. Maski ang pondo sa social amelioration program (SAP) ay kinu­­­kurakot ng mga barangay kapitan. Sa halip na ibigay nang buo ang SAP na para sa mahihirap, kalahati lang ang ibibigay at ang kalahati ay sa sariling bulsa nila nilalagay. Hanggang ngayon, marami ang nag­rerek­lamo na hindi sila nakatanggap ng SAP sa unang tranche. Iyon ay dahil kinurakot ng barangay official.

Ikalawang kalaban: Kahirapan.

Maraming mahirap na Pilipino at ngayong sinalanta ng COVID ang bansa, inaasahang darami pa ang bilang ng mga magsasalat sa buhay. Lolobo ang bilang ng mga walang trabaho sapagkat marami nang nag­sarang kompanya, establisimento, pabrika at pak­torya. Maraming magugutom na pamilya dahil walang pag­kakakitaan.

Ikatlong kalaban: Krimen

Patuloy ang mga nangyayaring krimen. Sumasala­kay ang riding-in-tandem at walang awang puma­patay. Patuloy din naman ang pagdagsa ng illegal na droga. Kahit naka-lockdown ang bansa, nakakapasok ang shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Paano nakakapasok ang salot na shabu gayung walang biyahe ang barko at eroplano. Kabi-kabila rin ang checkpoint at napakahigpit ng mga awtoridad.

Mababangis ang tatlong kalaban ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon. Kailangan ang mahusay na paglaban ng gobyerno sa mga ito. Kailangan ang mahusay na plano para mapalaya ang mamamayan sa korapsiyon, kahirapan at krimen.

vuukle comment

ARAW NG KALAYAAN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with