^

PSN Opinyon

Makabayan

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HUWAG sila ang sisihin. Ito ang pahayag ng isang grupo ng mga guro, kung tila kulang sa pagiging makabayan ang mga mag-aaral ngayon. Nagpahayag si Sen. Manny Pacquiao na dapat tinuturo ang pagiging makabayan sa mga mag-aaral, dahil ang Pilipino raw ngayon ay nagi­ging taksil hindi lang sa kapwa Pilipino kundi sa bansa na rin. Bakit daw tila ang mga guro, o ang paaralan ang agad napagbibintangan, kung nagiging “masama” ang isang bata. Hindi lang naman ang paaralan ang naghuhubog ng mga mabubuting katangian sa isang bata. Nandiyan ang kanyang pamilya, nandiyan ang komunidad at sabihin na rin natin, nandiyan ang mga lider ng bansa. Lahat ng iyan ay dapat may kontribusyon sa paghubog sa karak­ter ng mga bata. Ang tanong ko, ano ang nakikitang katangian ng mga bata ngayon, sa mga lider ng bansa?

Sabihin na natin na hindi interesado ang mag-aaral sa mga isyu ng impeachment kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, o sa iba pang mga isyu o away-pulitika sa bansa ngayon. Pero kung pagiging makabayan ang pag-uusapan, ano ba ang isyu ngayon sa South China Sea? Hindi ba isinantabi ng administrasyong ito ang desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration kung saan nanalo ang Pilipinas at pinawalambisa ang pag-aangkin ng China sa halos buong karagatan? Matunog ang posibleng “joint exploration” ng China at Pilipinas, sa mga lugar na matagal nang pag-aari ng Pilipinas. May mga nagsasabi na labag ito sa Konstitusyon ng bansa. Sino ang hindi makabayan ngayon? Sino ang tila taksil sa bansa? Ito nga ba ang nakikita ng mga mag-aaral ngayon? Ito ba ang pagkakaintindi nila ng pagiging makabayan?

Mahalaga ang edukasyon ng mag-aaral. Pero hindi lang sa paaralan nakukuha ng mag-aaral ang lahat ng kanyang edukasyon. Tumitingala rin ang karamihan sa kani­lang mga iniidolo. Dahil naging senador si Pacquiao, napapansin na rin ng kanyang mga tagahanga ang pamamalakad ng pamahalaan. Kaya kung ano ang ginagawa ng pamahalaan ngayon ay napapansin na rin ng mga mag-aaral. Kung nasa uso na ang pagmumura ng mga lider, maaaring mapapagaya na rin ang maraming mag-aaral. Kung tila tanggap na ang maraming asawa ng mga lider, maaaring tanggapin na rin ito ng mga mag-aaral kapag nataon. Baka kailangang tumingin muna ni Pacquiao sa mga kasama sa gobyerno, bago magpanukala ng batas para sa ikabubuti ng mga mag-aaral sa paaralan. 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with