Dengue fever: Paano iiwas?
BAWAT taon, marami ang nagkakasakit ng dengue. Nakakatakot ito at marami ang namamatay. Paano tayo iiwas sa dengue? Heto ang mga paraan:
Maglinis mabuti ng bahay. Tanggalin ang lahat ng kalat at basura sa bakuran at sa loob din ng bahay. Nagtatago ang lamok sa madilim na sulok ng bahay.
Kausapin ang barangay para magkaroon ng “Dengue Clean-up Day.†Kahit malinis ang iyong bahay, ngunit marumi naman ang iyong katabing bahay, puwede kang ma-dengue.
Alisin ang mga nag-iipong tubig. Tingnan ang iyong paligid kung saan may nag-iipong tubig, tulad ng lumang gulong, timba, flower vase, bunot ng buko, nag-iipong tubig baha, o tabing ilog. Kapag lumampas na sa isang linggo ang mga nag-iipong tubig, puwedeng may mabuhay nang mga lamok diyan. Palitan din ang tubig sa flower vase bawat linggo.
Isara ang pinto at bintana sa bahay palagi. Kung puwede, maglagay ng screen sa pintuan at mga bintana. Hindi lang lamok ang maiiwasan natin, pati na rin langaw at ipis na may dala ding sakit.
Magsuot ng pajama, long pants at long sleeves. Kapag papasok na ang bata sa paaralan, kausapin ang principal na payagang mag-long pants ang mga bata. Proteksyon ito sa dengue.
Magsuot nang puting damit. Presko ito sa init at hindi pa lapitin ng mga lamok. Mas gusto ng lamok ang maiitim na damit.
Maglagay ng OFF lotion sa iyong damit. Kapag nasa labas ng bahay ang bata, lagyan sila ng OFF lotion sa iba’t ibang parte ng damit, mula ulo hanggang paa. Huwag ipahid ang lotion sa balat at baka mag-allergy ka.
Huwag muna magpabango. Ang pabango ay nakaka-attract ng bubuyog, langaw at lamok. Kapag masÂyado kang mabango, baka akalain ng lamok at bubuyog na isa kang bulaklak at mas kakagatin ka.
Magkulambo sa gabi. Sa iyong silid tulugan, ugaliing gumamit ng kulambo.
Paminsan-minsan, gumamit ng insecticide na pampatay ng lamok. Kung mag-i-spray kayo ng insecticide, siguraduhing walang tao sa kuwarto o bahay sa loob ng 2 oras. Mag-spray din sa mga sulok lang at siguraduhing walang pagkain na matatamaan nito. Huwag mag-spray sa kusina at baka malagyan ng lason ang iyong pagkain. Ang insecticide ay masama sa tao at puwedeng magdulot ng kanser.
Tandaan, maging marunong sa dengue. Turuan ang ating mga anak, kaibigan at buong barangay. Kailangang magtulong-tulong ang barangay para masugpo ang dengue.
- Latest















