Tagumpay para sa bansa
NAGLAAN ako ng oras noong Linggo, para mapanood ang pagbabalik ni Manny Pacquiao sa boksing. Halos isang taon ang lumipas, nang talunin si Manny ni Juan Manuel Marquez. Dalawang magkasunod na talo ang natamo ni Manny, kaya ang laban niya kay Brandon Rios ay mahalaga. Bukod diyan, inalay niya ang laban, at ang tagumpay, sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. At tulad ng nasulat ko, mananalo siya dahil sa kanyang pag-alay sa mga tunay na nangangailangan ng pag-angat ng espiritu.
At hindi nabigo ang bansa. Nanalo muli ang ating kampeon. Pinaglaruan lang si Rios sa 12 rounds, kung saan binigay ng mga hurado lahat kay Manny. Pagtunog ng huling bell, hindi na makilala si Rios dahil sa pamamaga ng mukha. Pero dahil marami sa bansang ito ang hindi makuntento sa mga tagumpay at lagi na lang nakakakita ang mali sa lahat, kahit wala naman, hindi nasiyahan sa laban dahil hindi napatulog si Rios. Ang pagkakakilala pa rin kay Manny ay ang dating boksingero na nagpapatulog ng mga kalaban niya.
Ayon sa mga nakausap kong mahilig sa boksing, naging mas “matalino†si Manny sa labang ito. Mismo siya ang nagsabi na naging mas maingat siya para hindi mapuruhan muli tulad ng naganap sa laban niya kay Marquez. Sinigurado niyang matatamaan niya si Rios, nang hindi siya mabuweltahan nang malakas na suntok. At kung napanood ninyo ang laban, tila si Manny lang ang gumagalaw sa ring, at tila nakatanim lang si Rios sa bilis ni Manny. Inulan ng puri si Manny mula sa mga eksperto sa boksing dito at sa ibang bansa. Ipinakita na siya ay tunay na beterano ng boksing.
At ang mga nasalanta ng bagyo? Hindi maitago ang kanilang saya sa pagkapanalo ni Manny. Sa kabila ng mahirap na pagbangon mula sa kalamidad, naangat ang kanilang espiritu at damdamin, lalo na’t inalay ni Manny ang laban. Sabik na sila sa pagdalaw ng matagumpay na pambansang kamao. Tulad ni Gen. McArthur, pinatupad niya ang kanyang pangako sa bansa. Sa mga ganitong kaganapan, tama lang na magpasalamat tayo.
- Latest