^

PSN Opinyon

““Bawian na!”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINDI lahat ng pagkakamali makukuha sa isang sorry lang! 

“Okay sana kung nagbago na ang pamangkin ko… pero inulit pa niya nitong nakaraang buwan lang!” reklamo ng isang 58 anyos na ginang.

Ang ginang na tinutukoy ay si Josefina Rentoria ng Las Piñas City. Taong 2010 pa ng ireklamo ni Josefina ang kanyang pamangkin na si James Kiunisala, 17 anyos nun.                

Ang dahilan, pagkuha nito ng kanyang Seiko 5 (gold plated) watch. Buwan ng Mayo sa kanyang bahay sa Taytay, Rizal.

Kasong ‘theft’ ang pinaratang ni Josefina sa pamangkin. Dawit din dito ang kaibigan ni James na noo’y 17 anyos din. Si Aldrin Francia ng Bambang, Pasig.         

Nagsadya sa aming tanggapan ang ina ni Aldrin na si Ma. Fe Theresa Francia o “Tere”.  Giit ng ina,  “Nasangkot lang si Aldrin. Ipinasa at ipinatago  lang ni James ang relo sa anak ko.”

Pang-anim sa walong magkakapatid si Aldrin. Sa hirap ng buhay nila Tere, isa lang sa walong anak ang nakapagtapos ng pag-aaral. Isa ng guro ngayon.

Si Aldrin, huminto ng hayskul sa edad ng 15 anyos. Iba’t ibang trabaho na ang pinasok niya hangang mauwi sa pagkakargador at pagtitindero sa palengke.

Aminado si Tere na mabarkada ang kanyang anak pero ‘ni minsan hindi daw ito nasangkot sa anumang gulo, ayon sa ina.

“Kaibigan niya halos lahat sa palengke at mga kapitbahay isa na dito si James…” kwento ni Tere.

Walong taong gulang pa lang sina James, magkaibigan na sila ni Aldrin. Mabait naman daw ang grupo nila subalit para kay Tere, iba itong si James. Masasabi niyang hindi umano siya magandang impluwensya sa anak.

Tutol man ang ina sa pagkakaibigan, initindi niya si James.

“Alam ko kung saan siya nanggagaling…” wika ni Tere.

Hiwalay daw ang kanyang ina’t ama. Madalas rin daw kung siya’y  palayasin. Kada alis nito, kay Aldrin siya tatakbo.

Taong 2009, tuluyang lumipat ng tirahan ang pamilya ni James. Nagkalayo man ng bahay, madalas pa rin kung bumisita si James kay Aldrin.

Ika-6 ng Mayo 2010, pasado 10:00 ng gabi… habang nakaupo si James sa harap ng tindahan, sa tapat ng bahay… kausap si Aldrin bigla na lang dumating si PO2 Winter Jose. Pulis-Pasig na ‘step father’ umano nito.  

Kwento ni Tere, mabilis na dinampot si James. Sinundan sila ni Aldrin.

“Kuya, huwag ka ng makialam dyan!” pag-awat daw ng kapatid nito subalit ‘di ito nagpapigil.

Kinabukasan, nalaman na lang ni Tere na magkasamang nakakulong ang anak at si James sa Taytay, Police Station. Dumiresto sa presinto ang ina.  

“Anak, anong nangyari?!” tanong ni Tere.            

Nung una ayaw magsalita ni Aldrin subalit kinalaunan, “Ma yung relo… inabot sa akin pero nawala ko. Hindi ko kinuha Ma!” paliwanag  daw nito.

Ilang linggong nanatili sa kulungan sina Aldrin bago ilipat sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD), Taytay dahil wala silang dokumentong mapakita sa mga pulis na magpapatunay na sila’y menor de edad.

Base sa salaysay na isinumite sa Prosecuter’s Office ng Taytay ng tiyahin, Mayo 6, 2010…  bandang 2:30 ng hapon habang nag­luluto siya sa bahay bigla na lang pumasok ang pamangking si James at kabarkdang si Aldrin. Dumiretso sila sa refregirator at uminom ng tubig.

“Habang abala sa pagluluto, napansin kong lumapit sila sa aking telebisyon kung saan nakapatong aking relo na Seiko gold. Biglang dinampot ni James ang aking relo. Sinita ko sila subalit agad nanakbo palabas ng bahay.”

Sinubukan niyang habulin subalit ng ‘di maabutan nagsumbong na siya sa Barangay Bambang. Tinext niya ang kapatid na si ‘Evelyn’, ina ni James at nanghingi ng tulong sa pulis na si PO2 Jose. Dito na dinakip si James at Aldrin.

Ayon sa ‘Affidavit of Arrest’ na sinumite ni PO2 Winter Jose, nakita at itinuro ni Josefina ang pamangkin na siyang kumuha. Si Aldrin naman na siyang nagtago umano ng relo. Tinanong nila kay Aldrin kung nasaan ito? Sagot ni Aldrin, nahulog ito sa kanyang bulsa at ‘di na nila nakita pa.

Nagkaroon ng pagdinig ang kasong sinampa ni Josefina sa dalawa.

Nailipat na sa DSWD, Pasig itong si Aldrin habang tumakas naman si James, isang taon ng nakakaraan.

Ayon kay Tere, buwan ng Nobyembre 2011, sinauli ni Aldrin ang relo kay Josefina. Nagkapatawaran na daw nun, sa harap umano mismo ng Social Worker ni Aldrin. Sinabi daw ni Josefina ng dahil naibalik na ang relo, iuurong na ang kaso.

Hindi na umattend pa sa mga pagdinig si Josefina. Katanungan ni Tere, madi-dismissed na ba ang kaso at makakalabas na ng DSWD ang anak dahil dito? Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa amin.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ganun kasimple na mapalabas si Aldrin dahil dapat alamin ng hukom na nung ginawa niya ang krimen alam niya ang kanyang mga inasta (acted with discernment).

Kung sa palagay ng hukom alam na niya ang ginagawa niya, irerekomenda na siya’y sumailalim sa intervention ng DSWD para sa isang ‘diversion program’ kung saan tutulungang baguhin ang kanyang pananaw sa buhay para maging kapaki-pakinabang na mamamayan.

Kamakailan, dinala sa amin ni Tere si Josefina at sinabi nitong wala na siyang balak ituloy pa ang kaso. Hindi rin basta pwedeng dahil sa isang ‘affidavit of desistance’ palayain si Aldrin.

Kailangang iupo si Josefina sa korte at dun sa isang malawakang paglilitis bawiin niya ang lahat ng kanyang nasabi at sabihin na ito’y bunsod lang ng ‘di pagkakaintindihan at matapos isipin ang lahat, hindi siya sigurado kung si Aldrin nga ang may kagagawan sa pagkawala ng relo.

Mali din ang paniniwala niya na kapag hindi siya umattend madi-‘dismiss’ ang kaso dahil naiupo na siya ng ‘Prosecution’ at nakapagbigay na siya ng pahayag. Nasabi na niya ang lahat ng kanyang dapat sabihin. Natanong na din siya ng abogado ng depensa laya’t kung tutuusin tapos na ang kanyang partisipasyon sa kasong ito.

Ang huli na lang, malungkot man isipin subalit kailangang maghintay sila ng susunod na skedyul ng ‘hearing’ na sa Marso pa gaganapin. Maari din namang makaroon ng isang   maligayang Pasko sa DSWD itong si Aldrin kasama ang mga ‘social workers’ at iba pang mga kabataang katulad niya na nalihis ng landas.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero  09213263166(Aicel) /09198972854(Monique) /09213784392(Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 7104038.Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

 

vuukle comment

ALDRIN

JAMES

JOSEFINA

KANYANG

LSQUO

NIYA

SIYA

TERE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with