Editoryal - Kaliwa't kanan ang mga krimen
KAHAPON ay may mag-asawang binaril at napatay habang pababa sa kanilang sasakyan sa harap ng isang restaurant sa Pasig City. Noong nakaraang linggo, pinagnakawan ang bahay ng isang TV reporter sa Quezon City. Noong Lunes, napatay ng mga pulis ang dalawang Akyat Bahay gang member na umano’y responsible sa pagnanakaw sa TV reporter.
Sunud-sunod ang mga pagpatay, pagnanakaw at kung anu-ano pang mga karahasan. Ang nakapangangamba, pati mga alagad ng batas ay pinapatay din. Kung ang mga alagad ng batas ay walang anumang tinutumba, paano pa ang mga karaniwang mamamayan. Kanino pa magsusumbong ang mamamayan kung ang pinagsusumbungan nila ay walang awa ring pinapatay na rin? Nakakatakot na ang mga nangyayari sa kapaligiran na wala nang pinangingilagan ang mga kriminal.
Sunud-sunod ang pagpatay sa mga pulis sa Maynila. Hindi pa natatagalan nang patayin si SPO2 Teofilo Panfilo sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila. Nakita siyang nakalutang sa Manila Bay. Pinahirapan muna si Panfilo bago pinatay at itinapon ang katawan sa dagat. Hinihinalang mga miyembro ng drug syndicate ang pumatay sa kanya.
Noong Biyernes, pinatay si PO2 Jesus Lapuz sa Roxas Blvd. Pasay City ng dalawang lalaking naka-motorsiklo. Hinabol umano ni Lapuz, sakay ng kanyang motorsiklo ang tandem sapagkat hindi tumigil nang sitahin niya. Umano’y kahina-hinala ang kilos ng dalawa habang sinusundan ang isang tourist bus habang nasa Roxas Blvd. Ang hindi alam ni Lapuz, inaabangan na pala siya ng tandem. Nagkubli umano ang dalawa at nang malapit na sa kanilang kinaroroonan ang pulis, pinaputukan ito. Tinamaan sa katawan si Lapuz. Hindi na naiputok ni Lapuz ang kanyang service firearm.
Noong nakaraang Sabado, isang pulis uli ang tinumba sa Sta. Ana, Manila. Pauwi na mula sa night duty si PO1 Manuel Garcia nang pagbabarilin siya ng mga lalaking nakasakay sa isang itim na SUV. Mabilis na tumakas ang mga suspek.
Sino pang pulis ang isusunod na itutumba ng mga halang ang kaluluwa? Gaano pa karaming mamamayan ang bibiktimahin ng riding-in-tandem? Nararapat kumilos ang pamahalaan para protektahan ang mamamayan. Hindi na biro ang kaliwa’t kanang krimen.
- Latest
- Trending