US 'big brother' pa rin ng Pinas
Sa gustuhin natin o hindi, ang Estados Unidos pa rin ang sandalan ng ating Inang-Bayang Pilipinas lalu na sa panahong may banta sa ating seguridad.
Mayroon modernization program ang military para makapagsarili tayo sa pagtugon sa mga posibleng pa-nganib lalu na yung mula sa labas ng bansa, pero bitin na bitin. Hindi kaya wika nga ng katiting nating budget na ang kaya lang bilhin ay mga pinaglumaang kasangkapan mula sa Amerika.
Ikumpara mo sa lumalakas na puwersang military ng ibang bansa tulad ng kalapit na China, baka magmukhang “tirador” ang ating mga sandata sa harap ng mga nakatutok na “armalite.”
Mismong si Defense Secretary Voltaire Gazmin ang umamin kamakailan na kailangan natin ang tulong pandepensa ng Amerika. Aniya: “We are now seeking from the US a minimum credible defense to prevent any powerful states from bullying us.”
Hindi nga ba laging dinuduru-duru tayo ng China lalu na sa usaping may kinalaman sa Spratlys? Kaya nga bumili ang Pilipinas ng dalawang barko de giyera mula sa Amerika pero ang mga ito’y basura na lamang ng ating “big brother” porke mahigit sa 40-anyos nang nagamit.
Ngayon, may plano na naman ang gobyerno na bumili ng isang squadron ng F-16 fighter planes mula sa mga kasangkapang ibinabasura na ng Amerika. Mabuti kaysa wala. Palibhasa, wala naman tayong sapat na pondo para maihanay natin ang ating militar sa puwersang pandepensa ng ibang mas malalakas na bansa.
Sa ngayon ipinakikita ng US na kailangan natin ito ngunit ang inihahagis na ayuda sa atin ay pulos mga “mumo” na nalaglag sa hapag kainan ng ating “big brother”.
Sa totoo lang, kailangan ng Amerika na maibalik ang puwersa militar nito sa loob ng Pilipinas at magkaroon ng malakas na kontrol sa Malayong Silangan katulad ng dati nang hawak pa nito ang Clark at Subic base.
Kaso napakalakas ng mga advocacy groups na tumututol sa pagbabalik ng US forces sa Pilipinas. Kaya pansamantala, mabagal man ang usad ay magtiyaga na lang muna tayo sa pagpapaunlad ng ating sandatahang lakas. Pasasaan ba at hindi natin matatamo iyan? Marahil kapag bahagi na tayo ng China ay magkakaroon na rin tayo ng malakas na puwersang militar? Huwag naman!
- Latest
- Trending















