Nautakan ang inutangan
BUMILI ng kotseng hulugan si Crispin mula kay Cesar. Ang halaga ng kotse ay P150,000.00. Matapos ang pang-sampung hulog, hindi na nakabayad si Crispin kaya idinemanda siya ni Cesar para makuha ang balanse ng bayad.
Nang makakuha ng desisyon pabor sa kanya, kinausap ni Cesar ang sheriff ng korte upang mabatak ang dalawang lote (bilang 254 at 255) na nakapangalan kay “Carmen kasal kay Crispin” ang mga titulo. Ang mga lupang ito ay binili ni Carmen gamit ang perang esklusibong nagmula sa sarili.
Nagsampa ng reklamo (third party claim) si Carmen sa korte nang malaman na ang lupa niya ang binatak ng she-riff upang maging pambayad sa pagkakautang ni Crispin. Ayon sa kanya, hiwalay na ari-arian niya o “paraphernal properties” ang dalawang lote. Kinontra ito ni Cesar dahil ayon sa kanya, nabili ang dalawang lupa nang kasal na sina Carmen at Crispin kaya dapat itong ituring na pag-aari ng mag-asawa o “conjugal”. Kahit daw hiwalay na ari-arian pa ni Carmen ang dalawang lote, ang importante ay nakinabang naman dito si Carmen kaya dapat din siyang managot sa pamamagitan ng lupa niya.
Puwede bang gamitin ang dalawang lote ni Carmen bilang pambayad sa personal na pagkakautang ni Crispin alinsunod sa naging desisyon ng korte pabor kay Cesar?
HINDI. Kahit sabihin pa na ang mga lote ay binili sa panahon na kasal na sina Crispin at Carmen at ipinapa-lagay na “conjugal”, malinaw pa rin na dahil sariling pera ni Carmen ang ginamit bilang pambili ng mga ito magi-ging esklusibong pag-aari ito ng babae. Ang nakasulat sa mga titulo na kay “Carmen na kasal kay Crispin” ang mga lote ay isa lamang pagsasalarawan sa estado niya at hindi nagbibigay ng karapatan kay Crispin na angkinin ang lupa.
Idagdag pa na kahit nakinabang ang pamilya sa personal na obligasyones ni Crispin, dahil nga ginagamit ng pamilya ang kotse, ang mga bunga lang dapat ng lupa ang habulin ni Cesar upang maging sagot sa pagkakautang ni Crispin.
Ibig sabihin, kung halimbawa ay pinapaupahan ang mga lote at nakakatanggap sila ng renta, ang renta lang ang dapat habulin ni Cesar bilang pambayad sa desisyon ng korte sa kanya (Art. 138 New Civil Code, Gonzales vs. Miller, 69 Phil. 340).
- Latest
- Trending