EDITORYAL - Election na walang mamamatay, imposible!
IMPOSIBLE ang election sa Pilipinas na walang mamamatay. Kasama ito sa style ng election sa Pilipinas kung saan maski ang mga magkakamag-anak ay nagkakalaban-laban at nagkakaubusan ng lahi para lamang manalo. Kakaiba ang election sa bansang ito na para lamang mamayagpag at makaupo sa puwesto ay gagawin ang lahat — maski nga umagos ang dugo. Ngayong papalapit ang May 10 elections, marami pang karahasan na nakaamba at madagdagan ang bilang ng mga namatay o napatay dahil sa election.
Sa talaan ng Philippine National Police (PNP), 27 na ang napapatay mula nang mag-umpisa ang campaign period noong Enero 10. Bukod sa napatay, naitala naman 37 nasugatan. Pero nagpahayag nang pagkatuwa ang PNP sa mababang bilang ng mga napatay sapagkat pinakamababa raw ito kumpara sa 2004 at 2007 elections. Sinabi ng PNP na maigting ang kanilang pagbabantay at lalo pang pinaiigting habang papalapit ang elections.
Noong 2004 presidential elections, 189 katao ang napatay na may kaugnayan sa elections at 41 rito ay kandidato. May kabuuang 249-election related violence ang naitala noon. Noong 2007 midterm elections, 128 ang napatay at 37 rito ay kandidato. May kabuuang 229 election-related violence ang naitala ng panahong iyon.
Mababa nga ang bilang ng mga namatay ngayong 2010 elections at nasisiyahan ang PNP. Pero hindi pa dapat magpakita ng kasiyahan ang PNP sapagkat 12 araw pa bago mag-election. Maaaring may mangyari pang karahasan na ang sangkot ay mismong kandidato o kaya ay supporters. Nakapagtataka lang kung bakit hindi naisama sa talaan ng karahasan ang 57 napatay sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Patungo sa pagpa-file ng certificate of candidacy ang mga biktima nang pagpapatayin. Hindi ba’t kaugnay din sa election ang nangyaring massacre?
Doblehin pa ng PNP ang pagbabantay habang mainit na mainit ang kampanyahan. Maglagay pa ng mga checkpoint para masabat ang mga kandidato o supporters na may mga baril. Ugat ng kaguluhan ang pagkakaroon ng private army ng kandidato na may mga matataas na kalibre ng baril.
- Latest
- Trending