DOH may 364 HIV treatment hubs vs STD

MANILA, Philippines — Muling nagpaalala nitong Sabado, Nobyembre 14, ang Department of Health (DOH) sa publiko na siguraduhing protektado ang sarili at ang partner laban sa sexually transmitted infections (STIs) at bumisita sa mga itinalagang pasilidad para sa pagsusuri at gamutan.
Ayon sa kagawaran, bukod sa praktis na safe sex o responsableng pakikipagtalik, may kabuuang 364 na pasilidad sa buong bansa, na binubuo ng 203 HIV treatment hubs at 161 primary HIV care facilities na maaring puntahan.
Para sa libreng testing at iba pang serbisyo, bumisita sa pinakamalapit na DOH Social Hygiene Clinic, HIV Care Facility, o sa inyong YAKAP Clinic: https://bit.ly/DOH-HIV-Care-Facilities. Sa nasabing link, makikita ang pangalan ng pasilidad , serbisyong inaalok, lugar o kung saan matatagpuan at contact person at numbers, sa lahat ng rehiyon sa bansa. Libre ang HIV testing, antiretroviral therapy, at may PhilHealth outpatient HIV-AIDS treatment packages.
Batay sa inulat ng DOH noong Hulyo 2026, nasa 4,633 bagong HIV cases ang naitala simula Enero hanggang Marso ng 2026, na may average 51 kaso sa kada araw. Ang may edad 25-34 ay 46%, 15-24 ang 31%, at 35-49 ang 18%, habang ang 50 pataas ang nasa 3%. 4,381 o 95% ang lalaki habang 5% o 252 ang babae. Pinakamataas na bilang ay nagmula sa National Capital Region (NCR) na sinundan ng Calabarzon, ikatlo ang Central Luzon, ikaapat ang Soccsksargen, at huli ang Davao Region.
Sa pagtaya ng DOH, nasa 288,000 Pilipino ang namumuhay kahit may taglay na HIV, ngunit nasa 56% lang ang na-diagnose.
Mahalaga ang kaalaman sa kung paano maiiwasan, ang kahalagahan ng testing at prevention, lalo na sa mga kabataan na mas higit na nakararami.
- Latest

















