Bebot na security manager ng condo, sugatan sa ambush
MANILA, Philippines — Sugatan ang babaeng security manager ng isang condominium sa Taguig City nang tambangan ng riding-in-tandem sa bahagi ng Makati City, Huwebes ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center ang biktimang si alyas “Jeannie”, 35, residente ng Armed Forces of the Philippines Officer’s Village Association Inc sa Taguig City, dahil sa tinamong mga tama sa binti at hita. Naganap ang insidente bandang alas-6:50 ng umaga sa harap ng isang bangko, sa tabi ng Oriental Place, Brgy. Pio Del Pilar.
Nagsasagawa ng follow-up operation, forward at backtracking ang Makati Police para sa ikadarakip ng mga suspek na tumakas sa hindi batid na direksyon, na inilarawang nakasuot ng Move It rider na damit.
Batay sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Rodel Pastor, mag-isa sa minamanehong Nissan Terra na may plakang CCB 2298 ang biktima nang pagsapit sa Chino Roces Avenue ay paulanan ng bala ng mga suspek.
Nasa siyam na bala ng hindi pa binanggit na kalibre ng baril ang tumama sa sasakyan ng biktima na nagawa pang makalabas ng sasakyan matapos tumakas ang mga suspek.
Pinag-aaralan pa ng pulisya ang motibo sa krimen, na batay sa inisyal na impormasyon ay posibleng may kaugnayan sa trabaho ng biktima habang nirerepaso sa kuha ng mga CCTV sa lugar.
- Latest




















