Creamline, Choco Mucho unahan sa pagbangon
MANILA, Philippines — Mag-uunahang bumangon mula sa pagkatalo ang Creamline at Choco Mucho sa kanilang banggaan sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Magkikita ang Cool Smashers at Flying Titans ngayong alas-6 ng gabi, habang sa ala-1 ng hapon maghaharap ang Nxled Chameleons at Akari Chargers sa Smart Araneta Coliseum.
Bumabandera ang Nxled hawak ang 5-0 baraha kasunod ang Creamline (4-1), Farm Fresh (4-2), PLDT (3-3), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), Capital1 Solar Energy (2-4), ZUS Coffee (1-5) at Galeries Tower (1-5).
Nagmula ang Cool Smashers sa 19-25, 27-25, 23-25, 23-25 pagyukod sa High Speed Hitters, habang bagsak ang Flying Titans sa Chargers, 19-25, 25-19, 21-25, 25-19, 14-16, sa mga huli nilang laro.
Sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Bernadeth Pons at Tots Carlos ang babandera sa Creamline katuwang sina Bea de Leon, Pangs Panaga, setter Jia De Guzman at libero Kyla Atienza.
Muli namang aasahan ng Choco Mucho sina Eya Laure, Sisi Rondina-Rosales, Maddie Madayag, Caitlyn Viray, Kat Tolentino, setter Alina Bicar at libero Dawn Catindig.
Sa tournament format, ang top four teams matapos ang single round-robin elimination ang aabante sa semifinals kung saan ang top two squads ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ bonus kontra sa No. 3 at No. 4 seeds.
Ang championship round ay isang best-of-three series.
- Latest
















