Pinoy seafarer dedo, 1 sugatan sa Persian Gulf attack

MANILA, Philippines — Isang Pilipinong seafarer ang nasawi habang sugatan naman ang isa pa sa ginawang pag-atake sa sinasakyang Marshall Islands-flagged tanker sa Persian Gulf noong Nobyembre 5 ng madaling araw.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na kabilang ang mga biktima sa crew ng MT Velos Sapphire, na tinamaan ng hindi pa tukoy na projectile at nagdulot ng sunog sa barko.
Sinabi ni Cacdac na may 22 Pinoy na seafarer ang sakay ng barko at 20 naman ang nasa ligtas na kalagayan.
Nabatid na patungo sa Bahrain ang barko nang tamaan, ayon sa pahayag ng Greek management firm na Velos Tankers.
Ikinalungkot ng management ng barko nang madiskubreng patay ang isang tripulante matapos ang pagsabog bagamat wala namang binanggit na may isa pang sugatan.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa manning agency ng barko para sa kaligtasan at kalaunang repatriation ng mga nakaligtas na Pilipino.
Sinabi ng DMW chief na nakipag-ugnayan na ang gobyerno sa pamilya ng nasawing Pilipino para sa ibibigay na tulong.
Isang bagong advisory ang ilalabas ng DMW para manawagan sa mga ship owner na iwasan ng kanilang mga barko ang pagpadaan sa Persian Gulf.
- Latest















