Ospital ng POGO workers ni-raid: Foreign docs, nars huli
MANILA, Philippines — Ipinasara ang isang ospital na nag-oopereyt ng walang lisensya at maaktuhan din ang ilang dayuhang doktor at nars na walang kaukulang permit para magpraktis, sa Pasay City, Lunes ng hapon.
Sa ulat, alas-5:30 ng hapon ng Mayo 13, nang salakayin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na pinangunahan ni P/Major Noel Enoc, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), ang isang pagamutan na pawang may mga pasyenteng Chinese nationals, sa loob ng Hobbies of Asia compound, sa Macapagal Avenue, ng naturang lungsod.
Naaktuhan sa ospital ang mga pasyenteng pawang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers na inaasikaso ng dalawang Vietnamese at isang Chinese na doktor, isang Vietnamese nurse, at isang Vietnamese pharmacist.
Nabigo silang ipakita ang kanilang mga lisensya para magpraktis bilang mga dayuhang propesyonal mula sa Professional Regulation Commission kaya dinala sa BI headquarters.
Nag-ugat ang nasabing raid sa isang mission order laban sa isang Trinh Dinh Sang, na dalawang linggo nang sinu-surveiilance kaugnay sa medical practice na walang kaukulang lisensya.
Kasabay nito, hiniling ng PAOCC kay Department of Justice Undersecretary Nicky Ty na magsampa ng naaangkop na mga kasong kriminal laban sa nasabing mga dayuhang medical practitioner para sa mga posibleng paglabag sa Hospital Licensure Act, Philippine Pharmacy Act, Philippine Medical Act, Philippine Nursing Profession Act, at iba pa.
Nagsasagawa na rin ng imbentrayo ang PAOCC sa state of the art medical equipment at gadgets na nasamsam sa sinalakay na ospital.
- Latest