Chef ng Japanese resto nakuryente, todas

MANILA, Philippines — Patay ang 43-anyos na lalaking chef matapos umanong makuryente habang naglilinis sa kusina ng isang Japanese Restaurant sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Sammy”, 43, chef ng Japanese Restaurant at nakatira sa Phase II, Brgy. Payatas, Quezon City.
Sa naantalang ulat sa Kamuning Police Station (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-11 ng gabi noong Nobyembre 11, sa isang Japanese Restaurant na matatagpuan sa kanto ng Tomas Morato Ave., at Scout Madriñan, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Larry Louie L. Maraggay ng PS-10, nililinis ng biktima ang sushi chiller sa loob ng kusina ng restaurant nang bigla siyang mawalan ng malay at bumagsak sa sahig.
Agad dinala sa Capitol Medical Center ang biktima subalit bandang alas-4:06 ng madaling araw nitong Linggo (Nobyembre 15) ay namatay din ito sanhi umano ng “Fatal Arrhythmia secondary to Electrocution”, ayon kay Dr. Dianne Jasmin Tan.
Ang insidente ay iniulat sa pulisya para sa imbestigasyon at nararapat na aksyon.
- Latest

















