Lalaki tiklo sa IMSI catcher
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 32-anyos na motorista matapos makumpiskahan ng ilang electronic device, kabilang ang pinaghihinalaang IMSI catcher, sa Macapagal Boulevard, Brgy. Tambo, Parañaque City, nitong Linggo.
Ayon kay Parañaque City Police Station chief PCol. Nicolas Pinon, namataan ng mga pulis ang puting Toyota HiAce na ilegal na nakaparada at nakaharang sa daan dakong alas-2:20 ng hapon habang nagsasagawa ng mobile patrol bilang paghahanda sa ASEAN Summit.
Kinilala ang driver na si alyas “Ian”. Nadiskubreng mayroon siyang dalawang outstanding warrant of arrest dahil sa umano’y paglabag sa Chattel Mortgage Law at Ecological Solid Waste Management Act.
Narekober sa sasakyan ang dalawang cellphone, isang pinaghihinalaang IMSI catcher o Cell-Site Simulator, dalawang battery device, GPS tracker na may SIM card at isang antenna device.
Dinala ang suspek sa kustodiya ng pulisya habang isasailalim sa teknikal na pagsusuri ang mga nakumpiskang kagamitan upang matukoy ang gamit ng mga ito at posibleng pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad, kabilang ang financial fraud.
- Latest
















