PWD dedo sa nasusunog na bahay
MANILA, Philippines — Bangkay na ng matagpuan ang isang 45-anyos na lalaking person with disability (PWD) matapos umanong bumalik sa kanilang nasusunog na bahay sa Brgy. Capri, Novaliches, Quezon City, upang umihi noong Linggo ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-8:19 ng umaga at naapula bandang alas-10:35. Nakalabas na umano ang biktimang si alyas “Christopher” kasama ang kanyang pamilya ngunit bumalik sa loob ng bahay nang hindi namamalayan ng kaniyang mga kaanak. Natagpuan ang kaniyang bangkay matapos maapula ang apoy.
Samantala, isang lalaki ang nagtamo ng mga paso sa mukha at katawan habang tinatangkang apulahin ang apoy. Ayon sa kaniya, nakakita siya ng nasusunog na lumang extension cord sa isang silid matapos makaamoy ng sunog paglabas ng banyo.
Umabot sa 10 bahay ang natupok, dahilan upang mawalan ng tirahan ang 41 pamilya o kabuuang 131 indibidwal. Pansamantala silang inilikas sa isang evacuation center.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.
- Latest




















