Bangkay ng 11-anyos lumutang sa Pasig River

MANILA, Philippines — Patay na nang matagpuan palutang lutang kahapon ng hapon sa Pasig River ang isang 11-anyos na batang lalaki na iniulat na nawawala matapos tangayin ng malakas na agos, kasama ang nakatatandang kapatid para magbenta ng online game account na Roblox”, sa Antipolo, Rizal, nitong Sabado ng hapon.
Sa ulat, pasado alas-2:00 ng hapon kahapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bahagi ng Brgy. Santolan ng isang Jun Rey Dela Cruz at dinala sa pampang.
Hawak ng Pasig City Police Station ang kaso kung saan dumating ang ina at kapatid na positibong kumilala sa bangkay.
Batay naman sa ulat ng Antipolo City Police Station (CPS), nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad matapos iulat na nawawala si alyas “Carl”, habang nakaligtas naman ang kapatid niyang si alyas “Lander”, 15, na magkasama nang maganap ang insidente alas-3:00 ng hapon ng Agosto 30, Sabado, sa Brgy. Mayamot, Antipolo. Ang magkapatid ay residente ng naturang barangay.
Tumawid sa creek para magtungo sa SSS Village, sa Marikina para ibenta ang account sa Roblox ngunit sa pagtawid sa creek ay biglang lumakas ang agos. Sinubukan pang iligtas ng kapatid ang biktima subalit nakaalpas na ito at dumiretso kasabay ng agos.
- Latest
















