15 Metro Manila Mayors nagsuspinde ng klase

Dahil sa ulan, baha
MANILA, Philippines — Ilang lungsod sa Metro Manila ang nagsuspinde kahapon ng panghapon na klase bunsod ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng bagyong “Isang” at hanging habagat.
Kabilang sa mga lungsod na nagsuspinde ng klase ay Maynila, San Juan, Marikina, Mandaluyong, Pasig, Pasay, Pateros, Taguig, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Sa Maynila, agad na inutos ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan batay na rin sa rekomendasyon ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO). Inabisuhang mag-shift sa Alternative Delivery Mode (ADM).
Bandang alas-9:25 ng umaga nang maitala ang gutter deep na baha sa Leveriza corner Quirino Ave.,Taft Ave. Quirino - Quirino Ave.,
Ospital ng Maynila, Taft Ave. corner Nakpil St., Philippine Christian University, Pedro Gil, Manila Science High School, Padre Faura, Taft Ave. Ermita, tapat ng NBI, Kalaw, Finance Road, Ayala Blvd at Baseco Market Maging ang city hall ay pinasok ng tubig.
Sa Lungsod ng San Juan, Marikina, Mandaluyong, Taguig, Pasay, minabuti ng mga LGUs na suspindihin ang klase sa hapon upang hindi na masabak sa mas matinding pag-ulan at pagbaha ang mga estudyante.
Sinabi naman ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, na ang suspensiyon ng klase ay kasunod ng rekomendasyon ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management kung saan na 91 porsiyento ang tsansa ng mga pag-ulan na mararanasan.
Gayundin ang Las Piñas, Parañaque, Pateros na sinuspinde ang panghapon na klase dahil sa banta ng mga pag-ulan at pagbaha sa ilang mga kalsada.
Seguridad din ang priyoridad ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela LGUs kaya nagpasyang suspindihin ang klase sa hapon sa lahat ng antas.
Samantala, inanunsiyo naman ng Pasig City Public Information Office ang suspensiyon ng in-person classes mula Kindergarten hanggang Senior High School, kabilang ang day care centers at Alternative Learning System (ALS).
- Latest




















