Mga raliyista at pulis naggirian: 6 arestado
Sa Labor Day protests sa Maynila
MANILA, Philippines — Anim katao ang inaresto ng mga awtoridad nang magkagirian ang grupo ng mga raliyista at mga pulis sa Maynila, na sinalubong ng kaliwa’t kanang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo, nitong Labor Day.
Nabatid na kabilang sa mga inaresto ay limang lalaki at isang babae na isinailalim muna sa medical examination bago tuluyang binitbit sa Manila Police District (MPD) headquarters upang isailalim sa imbestigasyon.
Pasado alas-12:00 ng tanghali nang makalusot sa mga pulis ang daan-daang militante matapos na sirain ang barikada at tangkaing makalapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard sa Ermita, Manila, bitbit ang isang malaking effigy ni Pang. Marcos Jr. Hinadlangan naman sila ng mga pulis, na nauwi sa tensiyon, girian, tulakan at pag-aresto.
Malaunan ay naitaboy ng mga pulis ang mga raliyista sa Museleo Pambata kung saan sila nagdaos ng programa na nagdulot ng pagtigil ng daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard.
Samantala, libu-libong miyembro ng iba’t ibang labor at transport groups ang nagdaos ng kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng Maynila. Kabilang sa kanilang panawagan ay itigil ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at ang wage hike o taas-sahod sa mga manggagawa.
Bukod sa US Embassy, dumagsa ang mga raliyista sa harapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros; Quirino Grandstand sa Ermita; España Boulevard sa Sampaloc; Plaza Rajah Sulayman, sa Roxas Blvd.; Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz; at Plaza Salamanca sa Ermita.
Sa pagtaya ng MPD, naging mapayapa at maayos naman sa pangkalahatan ang mga Labor Day protests.
- Latest