3-araw transport strike arangkada na ngayon
MANILA, Philippines — Arangkada na ngayong Lunes, Abril 29, ang tatlong araw na nationwide transport strike at iba pang kilos protesta ng sanib-puwersang mga transport at labor groups upang tutulan ang nalalapit nang pagtatapos ng April 30 franchise consolidation deadline ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) Deputy Secretary General Ruben Baylon, magtatapos ang kanilang kilose-protesta sa Mayo 1, Araw ng Paggawa. Inaasahan aniyang sa Metro Manila pa lamang ay aabot na sa 100,000 indibidwal ang lalahok sa protesta.
Giit ng grupo, napipintong mawalan ng kabuhayan ang mga driver at operators dahil sa consolidation deadline na ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya’t nais nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Nabatid na target na iparalisa ng grupo ang ilang public transportation sa ilang lugar, partikular na ang ilang pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR), kabilang ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Project 2 at 3, Quezon City, Katipunan at Philcoa.
Nabatid na bukod sa PISTON, kabilang din sa mga lalahok sa kilos-protesta ang ilang transport groups, gaya ng Manibela, at labor groups, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil apektado rin umano dito ang mga commuters, na karamihan ay mga manggagawa.
- Latest