4-anyos hulog mula 16th floor ng condo, lasog
MANILA, Philippines — Patay ang isang 4-anyos na batang lalaki nang mahulog ito mula sa 16th floor ng isang condominium matapos na maiwan ng kanyang ina na nagtapon lang ng basura, kamakalawa sa Parañaque City.
Sanhi ng matinding pinsala sa katawan, dead-on-arrival sa Parañaque Doctors Hospital ang biktimang si Lucky Parana, nakatira sa Lower St., Santo Niño, Cogio, Antipolo City.
Sa report ng Parañaque City Police, naganap ang insidente ala-1:45 ng hapon sa 16th floor ng Rio Building Azure Residences and Resorts sa Brgy. Marcelo Green, Parañaque City.
Nabatid na caretaker ang ina ng biktima na si Salva-cion Parana, 40, sa naturang unit.
Mula sa bahay nito sa Antipolo, sinama nito ang anak para maglinis sa naturang unit.
Magtatapon ng basura ang ginang at naiwan sa unit ang anak.
Saka lamang niya naalala na nasa loob ng unit ang biktima at humingi ito ng tulong sa mga guwardya na mabuksan ito dahil sa nai-lock niya ang pinto.
Nang buksan ang unit wala ang bata at laking gulat nila na ang biktima ay nasa bakal na grills sa may parking lot ng naturang condominium, at hininalang nahulog ito.
Kaagad na dinala ang paslit ng rescue team sa naturang ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival. Patuloy pa ang ginagawang pagsisiyasat sa insidente.
- Latest