2 Koreano biktima ng riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Hindi umubra ang kaalaman sa self-defense ng dalawang Korean tourists nang barilin at masugatan dahil sa panlalaban sa riding-in-tandem na mga holdaper, habang naglalakad sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Nakaratay sa Manila Doctor’s Hospital ang mga biktimang sina Sung Keon Lee, 32; at ang isang Nae Wook Kim, 29, kapwa nanunuluyan sa Armanda St., Zapote, Las Piñas City.
Dahil sa pagresponde ng mga barangay tanod sa lugar nang marinig ang putukan, pinaharurot ng mga suspect ang sinasakyang motorsiklo bitbit ang ginamit na baril habang bigo namang matangayan ng gamit at salapi ang mga biktima.
Sa ulat ng Manila Police- Station 9, dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa tapat ng isang nakasaradong La Vida KTV bar sa Malate habang naglalakad ang dalawang biktima nang biglang tapatan ng motorsiklo ng mga suspect. Mabilis na bumaba ang angkas at tinutukan ng baril ang mga biktima at nagdeklara ng holdap.
Sa halip na ibigay ang hinihingi ng suspect ay nanlaban ang mga biktima kaya sila pinaputukan nito.
Ang mga biktima na lamang ang naabutan ng mga barangay tanod na isinugod sa ospital.
- Latest
- Trending














