BOC pinaalalahanan publiko vs. love scams

MANILA, Philippines — Muling pinaalalahanan Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa love scams kasunod ng mahigit 700 reklamo na kanilang natanggap simula sa unang bahagi ng taon, o may average na hanggang 70 kada buwan.
Sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, buwan ng Enero ang pinakamaraming bilang ng reklamo na kanilang natanggap.
Karamihan aniya sa sangkot dito ay mga dayuhan na bumubuo muna ng relasyong romantiko sa kanilang biktima. Sa sandali aniyang makuha na nila ang tiwala ng biktima, saka nila ito hihikayatin na magpadala sa kanila ng pera.
Modus operandi aniya ng mga dayuhan na magkukunwaring may ipinadalang regalo sa biktima at saka hihingi ng pera para sa shipping nito o di kaya ay sa pagpapadala ng parsela.
Paalala pa ng customs chief, kung ang iyong kasintahan ay humihingi ng pera, dapat na aniyang magdalawang-isip maliban na lamang kung matagal na panahon na silang magkarelasyon.
Pinayuhan din ng ahensiya ang publiko na humingi ng resibo at package tracking details at beripikahin muna sa BOC kung talagang may ipinadalang package para sa kanila.
- Latest




















