Nigerian inaresto sa panghahalay ng menor-de-edad
MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na Nigerian national na kabilang sa Regional Most Wanted Persons ng Police Regional Office 4A na may kasong panghahalay sa isang menor-de-edad sa Sta. Rosa, Laguna ang naaresto sa isinagawang warrant operation sa Quezon City, nitong Sabado.
Kinilala ang suspek na si alyas “Anthony,” na naaresto sa 21st Avenue, Project 4, Quezon City, sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997, na inilabas noong Pebrero 19, 2026, ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 101, Sta. Rosa City, Laguna, na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa imbestigasyon, naganap umano ang pang-aabuso noong Oktubre 12,2025 ng umaga sa parking area ng isang mall sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa City, Laguna.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, inalok umano ng suspek ang menor-de-edad na biktima na samahan siyang bumili ng cake bilang sorpresa sa kaarawan ng ina nito.
Nang malaman nilang sarado pa ang mall, ipinarada umano ng suspek ang sasakyan sa ikalimang palapag ng parking facility kung saan naganap ang insidente.
Dahil sa lakas ng suspek ay hindi umano nakalaban ang biktima at sa halip ay nagmakaawang tumigil ito at palayain siya kaya’t nagawa nitong isumbong sa kanyang magulang na nagsampa ng kaso.
- Latest


















